Pansamantalang sinuspinde ng Department of Justice (DOJ) ang pagpapatupad ng kontrobersyal na revised guidelines para sa mga Pilipinong bibiyahe sa ibang bansa na nakatakda sanang magsimula sa darating na Linggo, Setyembre 3.

Ito ay alinsunod umano sa kamakailang mga alalahaning magiging karagdagang pasanin lamang ang 2023 Revised IACAT Guidelines sa Filipino travelers.

Inanunsyo ng DOJ, sa pamamagitan ng Inter-Agency Council Against Trafficking's (IACAT), ang naturang desisyon isang araw pagkatapos aprubahan ng Senado ang isang resolusyon na nananawagan para sa suspensyon nito.

Sa isang pahayag ng DOJ, inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na kinakailangang lubusang linawin pa umano ang mga isyu at alalahanin ng mga senador at publiko hinggil sa naturang revised guidelines.

FPRRD, may agam-agam umano sa Halalan 2025 ayon kay VP Sara

"The Department of Justice acknowledges the vital role of our esteemed senators as representatives of the people, entrusted with safeguarding the rights and welfare of our citizens. It is our duty to address their concerns and provide them with the necessary information and clarifications," nakasaad sa pahayag.

"The Department of Justice reaffirms its dedication to upholding the rights and welfare of all individuals, including the right to travel freely. We assure the public that the revised guidelines aim to strike a balance between national security and the facilitation of smooth and efficient travel."

"The revisions were not intended to burden the general public but rather to enhance the overall experience of departing passengers," saad pa ng DOJ.

Nilinaw din naman ng DOJ na ang pansamantalang pagsususpinde ng pagpapatupad ng revised guidelines para sa outbound Filipino travelers ay hindi umano nakaaapekto sa mga umiiral na batas at regulasyon sa travel at immigration procedures. 

Matatandaang Agosto 23 nang aprubahan ng IACAT ang nasabing revised guidelines sa layon umanong puksain ang human trafficking.

Sa ilalim ng 2023 Revised IACAT Guidelines, sasailalim ang lahat ng Filipino outbound travelers sa immigration inspection at hihingian ng mga basic travel documents, kabilang na ang valid passport (valid nang 6 buwan mula sa petsa ng departure), appropriate valid visa kung kinakailangan, boarding pass, at confirmation return o roundtrip ticket, kung kinakailangan.

Para sa primary inspection, naatasan ang Immigration Officers (IO) ng Bureau of Immigration (BI) na usisain ang mga pasahero hinggil sa kanilang layunin sa paglabas ng bansa at humingi ng karagdagang mga pansuportang dokumento.

Maaaring ipagpaliban ang pag-alis ng mga pasahero kung magpakita sila ng fraudulent, falsified, o tampered travel o supporting documents; o kaya naman ay kapag tumanggi silang sumailalim sa pangunahing inspeksyon. 

“The secondary IO shall interview the passenger about the purpose of his/her travel and shall conduct further examination of his/her supporting documents which may include database referencing and referral of documents for laboratory examination,” saad pa sa naturang guidelines.