Umakyat pa sa higit 24.3 milyon na ang bilang ng mga estudyante na nagpatala para sa School Year 2023-2024.
Batay sa huling datos mula sa Learner Information System (LIS) para sa SY 2023-2024 na inilabas ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules ng gabi, nabatid na hanggang alas-2:05 ng hapon ng Agosto 30, 2023, ay nasa 24,324,111 na ang kabuuang bilang ng mga mag-aaral na nagparehistro para sa kasalukuyang taong panuruan.
Kabilang anila sa naturang bilang ang mga mag-aaral na nag-enroll sa public schools, private schools, state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (SUCs).
Anang DepEd, pinakamarami ang nakapagpatala sa Region IV-A na umabot sa 3,615,010.
Sinusundan ito ng Region III na nasa 2,719,938 enrollees at National Capital Region (NCR) na nasa 2,573,907 enrollees.
Ang Alternative Learning System (ALS) naman anila ay nakapagtala ng 208,587 enrollees.
Ang enrollment para sa SY 2023-2024 ay sinimulan noong Agosto 7 at nagtapos nitong Agosto 26.
Pormal naman nang nagbukas ang klase sa mga public schools sa bansa noong Martes, Agosto 29.