Naghain umano ng kontra-demanda ang komedyante-TV host na si Awra Briguela laban kay Mark Christian Ravana, ang lalaking nakaalitan niya umano sa isang bar sa Poblacion, Makati na nagresulta ng pansamantala niyang pagkakakulong, at nakalaya dahil sa piyansa.
Batay sa ulat ng Super Radyo DZBB noong Agosto 30, sinampahan niya umano ng kaso si Ravana sa Makati Prosecutor’s Office nitong Miyerkules, Agosto 30, kasama ang kaniyang legal counsel na si Atty. Mikaelo Jaime Reyes.
Ang mga kasong inihain umano ng komedyante laban kay Ravana ay paglabag sa Anti-Wiretapping Law, Safe Spaces Act at Slight Physical Injury.
Matatandaang nauna nang magsampa ng kaso si Ravana laban kay Briguela.
Noong Agosto 9, muling nagbalik sa social media si Awra subalit nag-post lamang siya ng promotion para sa kanilang pelikula.