Nagpaabot ng pakikiramay ang TV Patrol anchors na sina Noli de Castro, Bernadette Sembrano, at Henry Omaga-Diaz sa pagpanaw ng batikang mamamahayag na si Mike Enriquez nitong Martes, Agosto 29.

Ibinalita ni De Castro ang tungkol sa pagpanaw ni Enriquez.

Chel Diokno nakiramay sa pamilyang naiwan ni Mike Enriquez

“Nakikiramay po ang TV Patrol at ABS-CBN sa pamilya ni Mike Enriquez,” aniya.

Sa closing spiel ng news anchors ay muli silang nakiramay.

“Isa na namang malungkot na balita sa isang haligi ng pamamahayag sa ating bansa,” saad ni Omaga-Diaz.

“Condolence po sa lahat ng mga Kapuso,” saad naman ni Sembrano.

Nakiramay rin si De Castro at inalala ang pagiging magkaibigan nila ni Enriquez.

“Nakikiramay po kami. Matagal-tagal din kaming naging magkaibigan ni Mike. Lagi kaming nagkakasabay sa mga live— basta may malalaking live.”

Matatandaang pumanaw si Enriquez nitong Martes sa edad na 71.

“It is with profound sadness that GMA Network announces the passing of our beloved Kapuso, Mr. Miguel ‘Mike’ C. Enriquez, who peacefully joined our Creator on August 29, 2023,” pahayag ng GMA Network na inilabas sa programa.