Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng 90-day preventive suspension sa driver’s license ng motoristang bumunot at nagkasa ng baril sa harap ng isang siklista sa Quezon City noong Agosto 8.

Sa isang pahayag ng LTO nitong Lunes, Agosto 28, nilinaw ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na epektibo na ang suspensiyong ipinataw sa motorista at dating pulis na si Wilfredo Gonzales habang nagpapatuloy umano ang imbestigasyon sa posibilidad ng permanenteng pagbawi ng lisensya nito.

“Ang ipinataw nating preventive suspensyon ay isang mabilis na aksyon mula sa inyong LTO upang matiyak na hindi na niya uulitin ang nangyaring pananakit at paglabas ng baril sa isang bicycle rider,” ani Mendoza.

“Hindi pa ito ang final decision. Kasalukuyang ini-imbestigahan ang kasong ito at depende sa outcome ng pag-iimbestiga, maaaring permanent revocation at lifetime na hindi na siya maiisyuhan ng driver’s license,” dagdag niya.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Ayon pa kay Mendoza, bagama’t malinaw naman umanong “hindi magandang asal” ang ipinakita ni Gonzales sa naturang viral video, kailangan pa rin daw igalang ang karapatan nito bilang bahagi ng sistemang legal.

“But pending the result of the ongoing investigation, the driver’s license of Mr. William Gonzales is temporarily suspended for 90-days,” saad ni Mendoza.

Nakabatay umano ang naturang suspension order sa kapangyarihan ng LTO sa ilalim ng Section 27 ng Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code.

Nauna nang isiniwalat ni Mendoza na hindi kay Gonzales nakarehistro ang ginamit niyang kulay pulang KIA Rio (ULQ 802) na kaniyang minamaneho nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Mendoza, mananatiling epektibo ang Show Cause Order na kanilang inilabas laban sa may-ari ng KIRA Rio na may plakang ULQ 802.

Inaasahan naman umano nila ang paglutang ng may-ari nito sa Agosto 31.

Inihayag din ni Mendoza na ipinatawag na nila si Gonzales upang ipaliwanag ang kaniyang panig kung bakit hindi dapat umano tuluyang bawiin ng LTO ang kaniyang lisensya.