Hindi umano lasing o lango sa alak ang aktor na si Albie Casiño nang mag-perform at haranahan niya ang mga kandidata at manonood sa "Mutya ng Cotabato 2023."

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, nilinaw umano sa kanilang "PEP Troika" ng isang kasamahan ni Albie na hindi umano totoo ang mga kumakalat na alegasyong nakainom si Albie nang sumalang sa entablado upang mag-perform.

May mga kumakalat kasing tsika na parang lasing daw si Albie habang kumakanta, at mukhang tumoma raw muna ito sa backstage bago ang aktuwal na pagtatanghal.

Mula mismo naman sa manager ni Albie na si Leo Dominguez, ayon sa ipinadalang text message sa PEP, sinabi niyang hindi raw nakainom ang alaga.

Harana ni Albie Casiño sa Mutya ng Cotabato pageant, kinaaliwan

Nabanggit sa text message na may "Attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD)" ang aktor kaya lagi itong hyper, bagay na naisiwalat na nga sa publiko nang pumasok ito sa "Pinoy Big Brother" bilang celebrity housemate, noong season 10.

Nagawa naman daw ni Albie ang trabaho niyang mapasaya ang lahat, at wala naman daw reklamo sa end ng organizers kaya walang nakikitang problema rito ang talent manager ng aktor.

Kuwento pa ni Dominguez sa nabanggit na entertainment news site, madaling-araw daw bumiyahe si Albie patungong Davao at hindi na nakapahinga pa dahil dumiretso na kaagad ito sa venue ng event. Literal na puyat at pagod daw ito nang sumalang na sa entablado subalit naging propesyunal pa rin at ibinigay ang kaniyang makakaya upang mapasaya ang live audience.