Sa halip daw na magreklamo at magalit pa, pinalagpas na lamang daw ng komedyanteng si Jerald Napoles ang kinasangkutang vehicular accident matapos niyang manood nang live sa laban ng Gilas Pilipinas at Dominican Republic sa FIBA World Cup opening.

Ayon sa Facebook post ni Napoles noong Agosto 25, nabangga ang kotse niya ng isang truck. Inilarawan ng komedyante kung paano nangyari ang aksidente.

"Katatapos ko lang manuod ng Gilas Pilipinas vs Dominican Republic sa FIBA World Cup opening. Masaya ang experience kahit hindi tayo nanalo sa game. pauwi na ako sa amin nang biglang na aksidente pa at nasuyod / bangga ng truck. Umangat bumper ko, basically nauuna na ako pero ipinasok pa niya sa lane ang truck kaya pa-angat ang wasak ng bumper ko. hindi na ako naka andar kasi tuloy tuloy ang truck."

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

"Halos patawid na siya na parang walang tinamaan. May kasama siya sa passenger seat niya sa side ko na parang dedma lang. Hinarang ko ang truck para kausapin sa nangyari kasi parang uunahan na niya ako. Pinababa ko si kuya at eto nasa video ang usapan namin."

Sa halip daw na ireklamo pa ay minabuti na lamang daw ng komedyante na palagpasin na lamang ito, dahil alam daw niyang walang kakayanang pang-areglo ang tsuper para sa kaniyang sasakyan.

"Sa madaling salita, alam ko naman na ang tanging solusyon sa bangga ay ipaayos... kung irereklamo ko naman at ipipilit ko ang kakayanan at pagbayarin si kuya driver siguradong ikakaltas pa sa sahod niya ’to.. imbes na solusyon, dagdag problema pa ang mangyayari… magiging komplikado pa sa pag-aayos at paghahabol para mapanagutan niya... bilang ako ang mas may kakayanang pinansyal, hindi ko na kinumplika.. pinagsabihan ko na lang siya na sa susunod ay mag iingat. Dahil pareho kame mapalad na ganito lang ang nangyari. Gaya ng sinabi ko sa video.. kadalasan hindi gaya ko na palalampasin lang ang ganitong aksidente ang makakasalamuha niya."

Mensahe niya sa nakabangga sa kaniya, "Kuya Ranzy mag ingat at sana ito na ang huli mong disgrasya. pagpalain ka nawa at ang iyong pamilya. Magsilbing aral ito sayo at sa akin na rin. Laging panaigin ang tamang katwiran pero nang hindi makaka argabyado nang kapwa. Malaki ang bangga pero lamang ang kasiyahan sa buong araw. Dun na lang ako mag fofocus. Sana masarap pa rin ang gising at ulam ng pamilya mo bukas kuya Ranzy."

Sa comment section naman ay mababasa rito ang komento ng kaniyang kasintahan na si Kim Molina.

"Yung nasa malayo ako ngayon para sa shooting ng bagong pelikula tapos ito bubungad sakin pag bukas ng phone 😭😭😭😭 WAG NAMAN GANUN KUYA DRIVER 😭😭😭 Tinawagan ko agad agad Jerald nung nakita ko tong video yung puso ko jusko 😭😭😭 Sa lahat po ng nagmamaneho, lahat po tayo ay gusto nang makauwi at madalas mainit ulo sa traffic pero mag ingat naman po tayo PLEASE. PAKIUSAP. 😭"

Habang isinusulat ang artikulong ito ay nasa maayos namang kalagayan si Napoles.