Pangungunahan umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang seremonya ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City sa Lunes, Agosto 28.

Gaganapin ang seremonya sa Lunes ng umaga kung saan makakasama umano ng Pangulo sina Defense Secretary Gilbert Teodoro at Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Romeo Brawner.

Nakatakda ring dumalo sina Dr. Emmanuel Franco Calairo, ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) chairperson, at Taguig City Mayor Maria Laarni Cayetano.

"Karangalan, Katungkulan, Kabayanihan” ang tema ng pagdiriwang ng National Heroes Day ngayong taon.

National Heroes Day: Mahalagang araw para sa lahat ng ‘bayani’ mula noon hanggang ngayon

Noong nakaraang taon, binigyang-pugay ni Marcos ang mga Pilipinong nagpamalas umano ng pambihirang tapang at kagitingan upang lumaban at magsakripisyo para sa Pilipinas.

Pinarangalan din niya ang mga makabagong bayani tulad ng mga magsasaka, guro, pulis, militar, barangay officials, community leaders, ecological warriors, healthcare workers, overseas Filipino workers, at mga nagtatrabaho sa iba pang sektor.