Kinaaliwan sa social media ang post ni Jeff Ebon Sta Ana, 25, mula sa Pasig City, tampok ang grupo ng magkakaibigang lumapit sa kaniya matapos siyang mapagkamalang tropa ng mga ito.
Makikita sa viral video ni Sta Ana ang pabiro pang paglapit sa kaniya ng isa sa magkakaibigan na animo’y hinihintay ang tropa nilang nagngangalang “Clark.”
“Teka lang, si Clark ba ‘to?” saad nito sabay lapit pa kay Sta Ana, na naka-helmet pa, upang tingnan ang kaniyang mukha.
Agad namang nag-sorry ang mga ito at hiyang hiya na pumasok sa sasakyan.
“Wrong number, Pre,” mariring naman sa video na pabirong tugon ni Sta Ana sa kanila.
“Sorry pre, hindi ako yung kasama nyo sa outing. Clark, kung asan ka man, hinahanap ka na ng mga kasama mo HAHAHAHAHAHAHA,” caption din ni Sta Ana sa kaniyang post.
Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Sta Ana na hinatid niya ang kaniyang girlfriend patungo sa unibersidad nito nang mangyari ang nakakatawang tagpo.
Nagkataon naman na nag-park sila sa lugar kung saan naghihintay ang nasabing grupo.
Kuwento ni Sta Ana, hindi siya agad nakapagsalita noong biniro at nilapitan siya ng magkakaibigan dahil sa inaalala rin daw niya kung kilala ba niya ang mga ito.
“Nag-loading po ako, makakalimutin po kasi ako. So iniisip ko kung kakilala ko ba or what,” ani Sta Ana.
Ginagawa rin daw niyang dash cam ang kaniyang cellphone kaya’t nasaktuhang nakuhanan niya ng video ang nasabing pangyayari.
Marami namang netizens ang natawa sa naturang video na ipinost ni Sta Ana. Habang sinusulat ito’y umani na ang kaniyang post ng mahigit 153,000 reactions, 4,400 comments, at 38,000 shares.
“Pag ganyan nangyari sa'kin parang mas masarap na lang lumubog sa lupa. HAHAHAHAHAHA,” komento pa ng isang netizen.
–
Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!