Gumuho ang isang bahay sa Barangay San Pedro, Narvacan, Ilocos Sur nitong Sabado, Agosto 26, dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng Super Typhoon Goring.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa uploader ng video na si Carsola Bielle, ibinahagi niyang nangyari ang pagguho ng naturang bahay sa kanilang barangay dakong 3:00 ng hapon nitong Sabado.

Wala naman umanong nasaktan sa nangyari dahil nasa ibang bansa na ang pamilyang may-ari ng bahay.

“Wala na pong nakatira doon kasi noong bagyong Egay, nasira na po iyon. Natuluyan lang po kahapon dahil sa diretsong ulan tapos malakas na agos ng tubig,” kuwento ni Bielle.

Mga Pagdiriwang

BALITAnaw: Paggunita sa unang anibersaryo ng giyera sa Israel at Gaza

Samantala, sinabi rin ni Bielle na hindi lamang daw ang naturang bahay ang nasira sa kanilang lugar dahil sa pananalasa ng Super Typhoon Goring.

“Sa likod ng bahay na gumuho, mga 50 meters po kalayo, meron din pong natangay doon na bahay, kagabi lang din po mga 8 pm... Mga lima pa ata na bahay ‘yun,” pagbabahagi niya.

Mabuti na lamang daw at nakaalis ang mga residente sa naturang mga bahay bago mangyari ang insidente, kaya’t wala umanong nakatan sa kanila.