Maging ang Batangas City ay nagdeklara na rin ng persona non grata laban sa drag queen na si Pura Luka Vega kaugnay ng kontrobersiyal na “Ama Namin” drag performance nito.

Ipinasa ng Sangguniang Panlungsod ang resolusyong inakda ni City Councilor Boy Dimacuha na nagdedeklara kay Pura, may tunay na pangalang Amadeus Fernando Pagente, na persona non grata sa lungsod.

Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabi ni Dimacuha na inabuso raw ni Pura ang kaniyang “freedom of expression” na dapat umano ay limitado.

Maaari naman umanong bawiin ng lungsod ang deklarasyon nito ng persona non grata kung magpa-public apology ang drag queen.

Anong mangyayari sa isang tao kung naideklara siyang ‘persona non grata’ sa ‘Pinas?

Samantala, iba pang mga lugar sa bansa ang nauna na ring nagdeklara ng persona non grata kay Pura. Kabilang na rito ang Maynila, Bohol, Mandaue at Cebu City sa Cebu, Lucena City sa Quezon Province, Occidental Mindoro, Dinagat Islands, Laguna, Nueva Ecija, Cagayan de Oro City, Bukidnon, General Santos City sa South Cotabato, Floridablanca sa Pampanga, at Toboso sa Negros Occidental.

Matatandaang nagbigay ng reaksyon si Pura kamakailan hinggil sa pagdedeklara sa kaniyang persona non grata ng ilang mga lugar sa bansa.

“Tell me EXACTLY what I did wrong. I’m open for a dialogue and yet cities have been declaring persona non grata without even knowing me or understanding the intent of the performance. Drag is art. You judge me yet you don’t even know me,” ani Pura.

MAKI-BALITA: Pura Luka Vega, nag-react sa halos sunod-sunod na pagka-persona non grata

Matapos nito, muling nagtanghal ang drag queen sa awitin ni Taylor Swift na “Look What You Made Me Do” at nagbigay ng pahayag hinggil sa mga isyu laban sa kaniya.

“Para sa mga ibang lugar na gustong mag-persona non grata diyan, dagdagan n’yo pa! Pakialam ko. ‘Yon lang po. Thank you po,” saad ni Pura.

MAKI-BALITA: Pura Luka Vega wafakels sa persona non grata: ‘Dagdagan n’yo pa!’