DSWD officials, inalerto na sa posibleng epekto ng bagyong 'Goring'
Inalerto na ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang mga regional director nito sa Cagayan Valley at Calabarzon (Region 4A) sa posibleng epekto ng bagyong Goring.
Inatasan ni Gatchalian ang mga opisyal nito sa dalawang rehiyon na tiyaking sapat ang relief goods bilang paghahanda sa inaasahang pagtama ng bagyo.
“Please ensure preparedness on your respective AOR (areas of responsibility) amid TD Goring,” anang opisyal.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes ng umaga, huling namataan ang sentro ng bagyo 355 kilometro silangan hilagang silangan ng Calayan, Cagayan o 300 kilometro silangan ng Basco, Batanes.
Posibleng makaranas ng matinding pag-ulan sa malaking bahagi ng Cagayan sa susunod na tatlong araw.
Babala pa ng ahensya, posible ring palakasin ng bagyo ang southwest monsoon simula sa Linggo o Lunes na makaaapekto sa kanlurang bahagi ng Central at Southern Luzon.