Nilinaw ni Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda ang mga kumakalat na tsikang binitiwan na niya ang pamamahala sa showbiz career ng anak-anakan at talent na si Awra Briguela, na kamakailan lamang ay nalagay sa kontrobersiya at nahaharap ngayon umano sa patong-patong na kaso, matapos ang insidente ng "panggugulo" sa isang bar sa Poblacion, Makati City.
Si Vice Ganda kasi ang tumatayong talent manager ni Awra.
Sa video ng panayam ni MJ Felipe ng ABS-CBN News, sinabi mismo ng komedyante na siya pa rin ang huma-handle sa career ni Awra at hindi niya ito iiwanan sa kinahaharap na laban nito ngayon.
"Yes, she is still my talent," anang Vice.
"May kumakalat kasing balita na binitiwan mo na raw," sundot ni MJ.
"Alam mo nagtataka ako kung saan nila nakukuha. One, no one asked me. Ikaw lang ang nagtanong sa akin, no one asked me, I was not interviewed by anyone. Kaya nagtataka ako kung saan nila nakukuha yung mga tsika nila na iniwan ko si Awra, nainterview ba nila si Awra, kasi si Awra cannot be interviewed, bawal din siya magbigay ng mga interview," paliwanag ng talent manager.
"Saan kaya nila nakukuha? Grabe talaga yung clout chasing. Yung para magamit yung issue, magamit yung pangalan ko, magamit yung pangalan ni Awra, kasi maingay yung pangalan niya, yung clickbait, grabe!"
"So, there's no truth doon sa isyu na iniwan ko si Awra... aalalayan ko si Awra sa journey niya na iyon.
Sa karagdagang ulat ng ABS-CBN News, sa ngayon daw ay pinagpahinga muna ni Vice si Awra.
"Pinagpahinga ko muna siya ng ilang araw... para mahimasmasan. Tapos ako din papahupain ko kasi siyempre galit din ako, mainit din ang ulo ko."
Napag-usapan na rin umano nila ang tungkol naman sa napabalitang "ginamit" daw ni Awra ang pangalan niya sa tatay nito upang makapag-solo.
"Yung mga issues na hindi ko na muna ita-tackle, bahala na 'yan sa susunod. Ang gusto kong klaruhin ay hindi kami naghihiwalay ni Awra. Hindi ko siya iiwanan lalong-lalo na sa posisyon ng buhay niya, she needs guidance and I will be there for her."
"She's trying to be better everyday."
"Wala tayong magagawa, nangyari na 'yon. Magsisisihan pa ba tayo? Magmumurahan pa ba tayo? What can we learn from this especially you? What can you learn from this experience? How can this experience strengthen you as a person and empower you to be a better person?" dagdag pa ng komedyante.
Kamakailan lamang ay muling nag-X post si Awra matapos ang pagkakapiyansa mula sa kulungan, subalit para lamang sa promotion ng kanilang pelikula, na mapapanood sa Prime.