Iniulat ng Department of Health (DOH) na mula Agosto 14 hanggang 20 ay nasa 789 na lamang ang bagong kaso ng Covid-19 na naitala nila sa bansa.

Base sa National Covid-19 Case Bulletin na inilabas ng DOH nitong Martes, Agosto 22, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw ngayong linggo ay nasa 113.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Ito ay mas mababa ng 15% kumpara sa mga kasong naitala noong Agosto 7 hanggang 13.

Sa mga bagong kaso, 11 sa mga ito ang may malubha at kritikal na karamdaman.

Samantala, mayroon namang naitalang 10 na pumanaw dahil sa sakit, na naganap noong Agosto 7 hanggang 20.

Anang DOH, noong Agosto 20, 2023, mayroong 242 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa Covid-19.

Sa 1,636 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, 180 o 11.0% ang okupado habang nasa 1,971 o 13.5% naman ng 14,649 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, patuloy pa ring pinapaalalalahan ng DOH ang lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.

"Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1," anito pa.

"Paalala ng Kagawaran ng Kalusugan na laging magsuot ng best-fitted face mask at kung maaari, manatili sa well-ventilated na mga lugar. Sa oras na makaramdam ng sintomas, AGAD NA MAG-ISOLATE. Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster."