Ikinasal sa araw ng kanilang libing ang magkasintahan mula sa Pangasinan na nasawi matapos umanong sumemplang ang kanilang sinasakyang motorsiklo.

Ang naturang magkasintahan ay sina Bernard “BJ” De Mesa Jr., 22, at Mechaella “Mecay” Parel, 20, mula sa Sta. Maria, Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa ina ni BJ na si Janice De Mesa, 43, ibinahagi nitong mag-aapat na taon nang magkasintahan ang kaniyang anak at si Mecay.

Kuwento pa niya, kahit daw nasa Israel siya para magtrabaho bilang caregiver, saksi pa rin daw siya sa pagmamahalan ng dalawa dahil lagi niyang nakakausap ang mga ito.

Kahayupan (Pets)

DSWD at PAWS, nagsanib-puwersa para sa 'Angel Pets' Program

“Napakabait at lambing na bata ni Mecay, swerte ni BJ, at swerte din si Mecay kasi si BJ ay napakabait at napakagalang ding bata,” ani De Mesa.

“Open sila sa bahay ko at sa bahay ng mama ni Mecay. Alam nman nila ang limitasyon nila at nag-aaral nmang mabuti ang dalawa,” dagdag pa niya.

Magtatapos na raw sana ng kolehiyo si BJ sa susunod na taon at balak pang magpiloto, habang criminology student naman si Mecay.

Ngunit, noong Hulyo 30, 2023, ng madaliang araw, binawian sila ng buhay matapos umanong maaksidente ang kanilang sinasakyang motor.

Ayon kay De Mesa, pauwi na raw sina BJ at Mecay mula sa dinaluhang birthday party nang mangyari ang insidente.

“Madulas daw ang daan at umuulan tas dahil nga po walang hit and run,walang nasagasaang pusa o aso o walang bato na nasagasaan kaya initial report ng police yang [self-accident],” ani De Mesa.

Gayunpaman, hindi pa raw kumbinsido ang mag-anak na self-accident ang talagang dahilan ng pagkamatay ng dalawa dahil sa wala naman umanong gaanong gasgas ang motorsiklo maging ang ibang bahagi ng katawan ng magkasintahan.

“Malapit na sa bahay ng papa ni BJ ang accident site, mga 400 meters or less na lang po siguro. Maganda po ang daan, mas nadaanan pa nga nila ang delikadong daan, nalampasan nman nila,” salaysay ni De Mesa.

“Wala po silang gasgas o open wounds sa katawan. Puro likod at batok ang tama nila. Parehong nakadapa noong makita at magkatabi pa. Naka-hoodie pa nga si BJ. Wala rin pong ni katiting na basag ang motor. Kaya po pinaiimbestigahan pa nming mabuti dahil po duda kami na di aksidente,” saad pa niya.

Sa kabila naman ng kalungkutan at sakit na naidulot ng kanilang pagpanaw, napagdesisyunan umano ng pamilya nina BJ at Mecay na pagpakasalin sila dahil naniniwala umano ang mga itong sila ang “forever” para sa isa’t isa.

“Actually po, ‘yan ang gusto ng magulang ni Mecay, sa kanila galing ang suggestion na nagpaantig nman din sa puso ko/namin na pamilya ni BJ dahil nga po alam kong sila talaga ang forever. Kaya wala po kaming hesitations sa gusto ng side ni Mecay,” kuwento ni De Mesa.

Inihayag din ni De Mesa na sa sementeryo na ginanap ang pag-iisang-dibdib nina BJ at Mecay at pastor daw ang nagkasal sa kanila dahil hindi umano pumayag ang simbahan dito.

Sa ulat ng GMA News, sinabi ni Rev. Fr. Bayani Flores na hindi kinikilala ng simbahan ang kasal ng patay.

“Ang kasal ay hindi para sa patay, kundi para sa buhay. Kasi ‘di ba ang kasal need ng consent ng bawat isa kasi tatanungin sila,” ani Fr. Flores sa panayam ng GMA News.

“Kung ‘di man po valid sa mata ng tao, alam namin na valid ito sa Panginoon at sa both families,” saad naman ni De Mesa.

“Magbalae talaga ang turingan ng both families sa isa’t isa,” dagdag pa niya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!