Nagpahayag ng suporta ang lokal na pamahalaan ng Quezon City sa panukalang ipangalan kay Senador Miriam Defensor-Santiago ang dalawang kalsada sa lungsod.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na buong puso nilang sinusuportahan ang hakbang ng senado na ipangalan kay Defensor-Santiago ang Agham at BIR Roads sa QC.

“Napakalaki pong karangalan para sa ating siyudad na dalhin ang pangalan ng ating senadora na walang takot na lumaban kontra katiwalian at tumayo para sa kapakanan at karapatan ng taumbayan,” ani Belmonte.

Matatandaang kamakailan lamang ay pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang House Bill 7413 o ang panukalang palitan ang pangalan ng Agham Road at BIR road bilang Sen. Miriam Defensor-Santiago Avenue.

Ilang LGUs naglabas na ng guidelines para sa Undas 2024

Binanggit naman ng QC LGU na humawak si Defensor-Santiago ng iba't ibang posisyon sa tatlong sangay ng gobyerno.

Naglingkod umano siya bilang presiding judge ng Quezon City Regional Trial Court at nagtrabaho bilang Commissioner ng Bureau of Immigration (BI) at Kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR). Nagsilbi rin siyang senador sa loob ng tatlong termino.

“Siya rin ang una nating Asian judge na nahalal sa International Criminal Court, unang Pilipino na napili bilang commissioner para sa International Development Organization at nagsilbi rin bilang Legal Officer ng UN High Commission for Refugees sa Geneva, Switzerland,” ani Belmonte.

“Patunay ang lahat ng kanyang pwestong hinawakan kung gaano siya kagaling. Nararapat lamang na mabigyang-halaga ang kanyang pagiging mahusay na lingkod-bayan,” saad pa niya.

Natanggap din ni Defensor-Santiago ang Magsaysay Award for Government Service, na kilala rin bilang katumbas ng Nobel Prize sa Asya, noong 1988, para umano sa kaniyang "bold and moral leadership in cleaning up a graft-ridden government agency."

Pumanaw si Defensor-Santiago noong Setyembre 2016 matapos ang mahabang pakikipaglaban sa lung cancer.