Marami ang naantig sa Facebook post ni Ann Mercado, 23, mula sa Quezon City, tampok ang pusa ng kaniyang yumaong tita na hindi umaalis at tila talagang binabantayan umano ang burol ng fur parent.

“One week na simula nung nagpaalam owner niya. Hindi na siya umalis diyan para bantayan fur mama niya,” ani Marcado sa kaniyang post na umani na ng mahigit 3,500 reactions, 149 comments, at 82 shares.

Sa eksklusibong panayam ng Balita ibinahagi ni Mercado na ang nasabing pusa ay si “Ezra”, ang nag-iisa umanong baby cat ng kaniyang 58-anyos na tita na nasawi umano dahil sa diabetes.

“Si Ezra po, rescued cat siya ni tita. Galing siya sa Montalban tapos inuwi po sa QC. Tapos si tita, lumipat na sa Pampanga, dala-dala pa rin po niya si Ezra,” kuwento ni Mercado.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

“Pero si Ezra ay may kasamang 7 dogs. Si Ezra lang din po bukod-tanging hindi inaaway ng dogs ni tita,” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Mercado, mahal na mahal talaga ng kaniyang tita, maging ang asawa nito at kanilang mga anak, sina Ezra at pito nilang baby dogs.

Nang magsimula raw makipaglaban ang kaniyang tita sa sakit nitong diabetes, hindi pa rin niya pinabayaan sina Ezra. 

“Before siya mawala, tinry mag-suggest ng pamilya na ibigay ‘yung ibang dogs dahil nga may sakit na si tita. Pero hindi siya pumayag. Hanggang sa mawala daw siya, gusto niyang katabi mga alaga niya,” ani Mercado.

“Nong hindi na kaya ni tita mag-alaga, si tito ang nag-alaga sa dogs at kay Ezra dahil ayon ‘yung gusto ni tita, ‘wag pabayaan mga alaga niya. Kaya sobrang nakakalungkot po talaga ‘yung pagkawala ni tita. Hindi lang kami ‘yung nasaktan, pati mga dogs niya,” saad pa niya.

Sinabi rin naman ni Mercado na kahit wala na ang kaniyang tita, mapupuno pa rin daw ng pagmamahal sina Ezra at ang pitong aso nito. Ito ay sa pamamagitan daw ng pagmamahal at pag-aalaga ng kaniyang tito at kanilang mga anak.

“Lahat po ng anak ni tita mahal na mahal din po sina Ezra,” aniya.

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!