Isa sa mga nabunyag ng aktres na si AJ Raval sa kaniyang isinagawang Facebook Live kamakailan ang pagkakaroon daw ng ibang babaeng "third party" sa dating relasyon ng kaniyang kasalukuyang boyfriend na si Aljur Abrenica, at estranged wife nitong si Kylie Padilla.

Ginawa ni AJ ang pagkaklaro sa kaniyang sarili dahil hanggang ngayon daw, "kabit" pa rin ang tingin sa kaniya ng mga tao, at siya pa rin ang itinuturong dahilan kung bakit tuluyang nawasak ang relasyon ng mag-asawa.

Ayon mismo kay AJ, bago pa man siya pumasok sa eksena ay may ibang babaeng involved sa relasyon ng dalawa.

Nanligaw raw sa kaniya si Aljur na hiwalay na raw sila ni Kylie, at si Kylie raw ay may iba na ring karelasyon ng mga sandaling iyon.

'Ikamatay man daw ng pamilya niya!' AJ hindi raw kabit ni Aljur noon

Hindi naman pinangalanan ni AJ kung sino ang babaeng naging third wheel sa relasyong Aljur-Kylie noon.

"May partner na rin si Kylie that time," bunyag pa ni AJ.

"Kaya nag-go ako."

"Ang sinasabi ko lang dito, di bale nang tawagin ninyo akong kabit and all, siguro iyon ang tingin sa akin ng ibang tao kasi kasal nga si Aljur... pero I swear to God, ikamatay man ng pamilya ko, mamatay man buong pamilya ko ngayon, nag-start yung relationship namin na wala kaming nasasaktan. Wala kaming nilokong tao."

"Ayokong mag-name drop pero kilala ko kung sino yung totoong babaeng involved talaga sa panloloko sa relationship nilang dalawa. Naiintindihan n'yo ba 'ko?" giit pa ni AJ.

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag tungkol dito sina Aljur at Kylie.