Flinex ng netizen na si Joann Jaban-Raganit, mula sa Panabo City, Davao Del Norte, ang kaniyang hero dog na hindi umano tumigil sa pagkahol para mabalaan siya hinggil sa sunog sa kanilang kusina.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni Raganit na isa ang 8-month-old hero dog na si Luka sa anim nilang fur babies sa bahay.

Nangyari naman umano ang muntik nang pagkasunog sa kanilang kusina noong Agosto 16, dakong 9:30 ng gabi.

“I was inside the bedroom nakahiga na kasi matutulog na. malakas ang ulan tsaka nag pplay ako ng mga videos medyo malakas. Si husband nasa CR din. Si Luka, tahol nang tahol. Akala ko naglalaro lang sila kasi tatlo sila andun,” kuwento ni Raganit.

Human-Interest

Concerts, certified stress reliever ayon sa psychologist?

“Medyo matagal ko siyang napansin pero parang iba na tahol niya, ‘yung ang lakas and nonstop na parang takot. Pabalik-balik siya sa labas ng kwarto.”

Noong una ay naisip daw ni Raganit na baka may magnanakaw na nakapasok sa kanilang bahay kaya tahol nang tahol si Luka. Ngunit nang lumabas daw siya ng kuwarto, doon na siya nakaamoy ng parang nasusunog.

“Akala ko ‘yung stove. But si Luka nakatingin sa likod ng ref namin. Kaya sinilip ko, ayun nasusunog na pala ang extension wire kasi pumasok ang tubig baha. May apoy na talaga paakyat. Buti hindi pa naabutan ang mga tela na mabilis masunog,” ani Raganit.

“If na late lang ako ng konti siguro baka kumalat na at mahirap na agapan kaya thankful talaga ako kay luka. Sa kanilang tatlo, siya lang tumahol,” saad pa niya.

Ayok kay Raganit, hanggang ngayon ay ayaw pang lumapit ni Luka sa kanilang ref dahil mukhang na-trauma umano ito sa kaniyang nakita.

Kaya naman, bilang pasasalamat na rin sa kabayanihan ng kanilang furbaby, ipinasyal daw nila si Luka at binigyan ng treats.

Marami naman ang humanga kay Luka nang i-post ni Raganit sa Facebook group na “DOG LOVERS PHILIPPINES” ang kaniyang kabayanihan.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 7,200 reactions, 299 comments, at 119 shares ang naturang post.

“Good job, baby Luka. You saved the day ,” komento pa ng isang netizen.