Nagluksa ang aktor na si Yves Flores sa pagpanaw ng batikang aktres na si Angie Ferro nitong Huwebes, Agosto 17, sa edad na 86.
Sa isang Instagram post, nagbahagi si Flores ng ilang mga larawan nila ni Angie sa set ng 2019 movie na “Lola Igna” kung saan mag-lola ang kanilang karakter.
Nagbahagi naman ang aktor na si Yves Flores ng mga larawan kung saan kaeksena niya si Flores habang nagbigay ng mensahe sa aktres.
“Pahinga na po kayo ❤️ naway lagi nyo po akong gabayan at bigyan ng lakas ng loob para patuloy umarte. Lola at direk @eduardoroyjr salamat,” saad ni Yves.
Nitong Huwebes nang kumpirmahin ng apo ni Ferro sa ABS-CBN na namaalam na umano ang aktres dakong 4:56 ng hapon, ngunit hindi ibinahagi ang sanhi ng pagpanaw nito.
Taong 2022 umano nang maospital si Ferro matapos makaranas ng isang "minor accident." Bago iyon, dumanas siya ng “multiple strokes.”
Bilang isang beteranong aktres, bumida si Ferro sa iba’t ibang pelikula at nakatanggap ng mga parangal.
Nanalo siya ng 1979 FAMAS best supporting actress award para sa kaniyang pelikulang “Pagputi ng Uwak… Pag-itim ng Tagak” noong 1978.
Nakatanggap din si Ferro ng Gawad ng Urian best actress nomination, at best actress honor sa 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino para sa papel niya sa pelikulang “Lola Igna.”
Huling naging pelikula ng beteranong aktres ang horror film na "Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan," kung saan apo ng karakter niya rito ang karakter ni Joshua Garcia.