Magdudulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang southwest monsoon o habagat at trough ng low pressure area (LPA) ngayong Biyernes, Agosto 18, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa tala ng PAGASA bandang 4:00 ng umaga, malaki ang tiyansang magkaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Caraga, Palawan, at Southern Leyte dulot ng habagat.
Magkakaroon din naman ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Batanes dahil sa trough ng LPA na kasalukuyang nasa bahagi umano ng Japan.
Maaari umanong magkaroon ng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang magkaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may kasamang panandalian o biglaang pag-ulan, pagkidlat at pagkulot sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod ng habagat o localized thunderstorms.
Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga residente rito dahil sa posible umanong pagbaha o pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.