Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong tripulante matapos masunog at lumubog ang sinasakyang speedboat sa karagatang sakop ng Zamboanga City nitong Huwebes ng hapon.

National

Nancy Binay, nilinaw na 'di kaaway ang kapatid na si Abby: 'Pamilya pa rin kami!'

Sa paunang report ng PCG, sakay ng speedboat na Fadi Laminusa Express ang tatlong tripulante mula sa Tres Marias, Baliwasan Seaside, Zamboanga City upang magsagawa ng sea trial nang mapansin nilang lumiyab sa pagitan ng tangke ng gasolina at baterya dakong 2:00 ng hapon.

Matapos matanggap ang impormasyon, kaagad na nagresponde ang mga tauhan ng Coast Guard.

Matapos ang mahigit isang oras ay naapula ang sunog. Gayunman, tuluyan nang lumubog ang speedboat 300 metro timog ng Barangay Mariki, Zamboanga City.

Nasagip ang mga tripulante na kaagad na ginamot ng mga tauhan ng Coast Guard Medical Clinic-Southwestern Mindanao dahil sa bahagyang pagkalapnos ng kanilang katawan.