Nagbabalik-radyo ang kilalang showbiz personality na si DJ Jhaiho, sa DWPM Radyo 630 Teleradyo Serbisyo na dating DZMM.

Eksklusibong ibinahagi ni DJ Jhai Ho sa Balita ang pagbabalik niya sa radyo sa pamamagitan ng kaniyang dalawang bagong programa na “Ang Tinig Niyo” at “Bongga Ka Jhai."

Nitong nakaraang Sabado, Agosto 12, umere na ang public service radio show na “Ang Tinig Niyo” kung saan kasama niya si Karla Estrada, habang sa darating na Linggo, Agosto 20, eere naman ang kaniyang sariling showbiz talk show na “Bongga Ka Jhai,” kung saan unang guest niya ang dating child actor at konsehal ng Cavite na si Nash Aguas.

Napuno naman ng galak si DJ Jhai Ho sa back-to-back blessings sa kaniyang karera.

National

Painting ni Amorsolo sa private museum sa NegOcc, ninakaw!

“Masayang-masaya! Pinangako ko kasi na hinding-hindi ako eere sa ibang radio station nung time ng shutdown. Sinabi ko na maghihintay ako sa muling pagbabalik mapa-DZMM na AM station kung saan may programa din ako noon, na ngayon DWPM Radyo 630 Teleradyo Serbisyo na nga at siyempre sa FM naman sa MOR Philippines,” lahad niya.

Matatandaang isa si DJ Jhai Ho sa mga naging emosyonal sa pagkakawala ng prangkisa ng ABS-CBN, dahilan upang mawala sa ere ang kanyang programa sa radyo.

“Patience is really a virtue talaga. Mahal ko ang radyo, dito nagsimula mabago ang buhay ko mula nang una akong umere sa himpapawid. Ang radyo ang nagsilang at nagbigay-katuparan sa napakarami kong pangarap sa life kaya sa pagbabalik kong ito sobrang thankful and grateful ako sa aking mga bosses, sa mga nakasama sa industriya dahil hindi ako nawala sa isip nila,” dagdag pa ni DJ Jhai Ho.

Nang tanungin naman siya kung ano ang mga dapat abangan sa kaniyang mga programa, narito ang kaniyang naging tugon:

“Dapat abangan ang programa dahil bukod sa na-miss ko ito, for sure marami ang naka-miss na mapakinggan din akong muli. Kumbaga madami ang nagpapabati pa rin sa akin everytime makikita ako sa labas pero wala akong platform na radio na nakasanayan nila so ito. Balik batian tayo sa avid viewers and listeners natin, siyempre hindi mawawala yung mga chika na exclusive as always! Mga chika na very relatable sa life hindi lang sa pagiging marites na friend, and dito sa ‘Bongga Ka Jhai’ na show ko every Sunday mula sa mga baguhang artista hanggang sa pinaka-kilala, may update tayo at makaka-chikahan din natin sila. Magiging platform din ito sa mga nangangarap na baka sa pamamagitan ng programa ko maka discover din tayo mga new stars na aabangan.”

Sa huli, punong-puno si DJ Jhai Ho ng pasasalamat sa mga patuloy na nagtitiwala sa kaniya.

“Malaki ang pasasalamat ko sa management, sa mga bosses ko dahil hanggang ngayon pinagkakatiwalaan parin nila ang kakayahan ko,” aniya.

Sa muling pagbabalik ng original “Beshy ng Bayan” na si DJ Jhai Ho sa ere, maugong din ang usap-usapan sa pagbabalik ng ng bagong bihis na MOR, na nagpaingay sa kaniyang pangalan bilang isang radio DJ. Senyales na kaya ito ng pagbabalik niya sa FM?

Parehong mapakikinggan sa DWPM Radyo 630 Teleradyo Serbisyo ang “Ang Tinig Niyo” tuwing Sabado, 1:30 ng hapon hanggang 3:30 ng hapon, at ang “Bongga Ka Jhai” tuwing Linggo, 12:00 ng tanghali hanggang 1:30 ng hapon.