Nangungulila sa mga anak ang 73-anyos na ginang na nag-guest sa "Babala" segment ng E.A.T nitong Martes, Agosto 15.

Ang mga naimbitahang bisita sa naturang segment ay mga "senior citizen na mag-isang namumuhay."

Isa na rito si Angie, 73-anyos, wala nang asawa, at may dalawang anak na 44-anyos at 42-anyos.

Kuwento ni Angie, tatlong taon na siyang namumuhay na mag-isa mula noong pumanaw ang kaniyang mister. Ang kaniyang mga anak naman ay may sari-sarili na ring pamilya rito sa Pilipinas.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Itinanong kay Angie kung ilang beses siyang binibisita ng kaniyang mga anak. Aniya, "once in a blue moon" lang.

"Sabi ko nga kami yata ay pa-raffle na lang... Kasi feeling ko. 'Pag 'yung katulad namin na parang 'kaya naman ni mama' ganoon," saad nito.

Binanggit din niya choice niyang mag-isa dahil ayaw niyang tumira sa mga anak.

"I have to be alone kasi ayoko naman tumira sa mga anak [ko] kasi may mga manugang 'yun. So baka mapagbintangan pa akong alam n'yo na 'yun," aniya.

Dagdag pa niya, hindi raw alam ng mga anak niyang nag-guest siya sa E.A.T dahil busy raw umano ang mga ito.

“Actually hindi alam ng mga anak ko nandito ako. Ang nakakaalam lang ‘yung kaibigan namin. Hindi talaga ako nagpaalam na nandito ako... busy sila."

Tila emosyunal na nanawagan si Angie sa kaniyang mga anak.

“May mga sasakyan naman kayo bakit hindi n’yo ako madalaw. Nakakapunta kayo kung saan-saan bakit ako dito lang. ‘Yung lumalabas kayo parang hindi n’yo ako maalala but ‘di naman kasi ako mukhang kawawa kaya binabalewala na lang nila ako," saad niya.

Binigyang-diin naman niya na "feeling" lang daw niya 'yun.

"Parang feeling ko lang po ‘yun. Ang feeling ay puwedeng tama, puwedeng mali so it’s my feeling na parang naneneglect nila ako although feeling ko hindi naman," sey pa ni Angie.

Itinanong ng E.A.T host na si Ryan Agoncillo kung gaano kadalas siya dapat bisitahin ng kaniyang mga anak.

“Just drop by and say hello. ‘Yung ano ‘Ma, okay ka ba’ and bring along the grand children. Hindi na ako ‘yung pupunta sa kanila just to bati or kumusta them. Kasi ngayon digital na you can use your video call or puwedeng mag-chat lang and then makikita mo sila pero iba ‘yung dadalawin mo sila," saad ni Angie.

Samantala, nanawagan din ang iba pang E.A.T host na sina Paolo Ballesteros at Allan K.

“Gia and Maan, dalaw-dalaw rin kay Mommy," sey ni Paolo.

“Okay po ‘yung video call. Nagpapakita ‘yon na naaalala n’yo [pero] iba yung personal," sabi naman ni Allan K.

Sa huli, may mensahe si Miles Ocampo kay Angie.

"‘Wag niyong iisiping raffle lang kayo mommy hindi ‘yan totoo. Maraming nagmamahal sa’yo tandaan mo ‘yan."