Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na wala pa silang naitatalang Pilipino na nasawi o nasaktan sa wildfires na sumiklab sa Lahaina sa isla ng Maui, Hawaii noong nakaraang linggo.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na sa kabila ng ulat umano mula sa Maui Filipino Chamber of Commerce na daan-daang Pilipino ang kabilang sa mahigit 1,000 na nawawala sa sunog, wala pang balita kung sila nga ay Filipino citizens.

Ibahagi rin umano sa kaniya ni Consul General Emilio Fernandez na karamihan sa mga Pilipino sa Maui ay American citizens.

Ayon kay de Vega, mayroong 25,000 Filipino-Americans sa Maui.

Eleksyon

TINGNAN: Listahan ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list

Bagama’t malapit umano sa sunog ang mga bahay ng ilang Pinoy doon, sa tourist hotel-resort umano sila nagtatrabaho.

“Tulad ng sabi ng Maui Chambers of Commerce, kung missing, ibig sabihin nawalan ng contact o pina-evacuate,” aniya.

Sa ngayon, bumabalik na umano sa normal ang sitwasyon sa lugar at maaari na ring bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga inilikas dahil kontrolado na ang wildfires.

Sa ulat ng Agence France-Presse, umabot na umano sa 93 ang mga nasawi sa nasabing wildfires.