Usap-usapan ang naging sagot ni Kapamilya star Julia Montes sa isang panayam sa kaniya kung kumusta na raw ba ang relasyon nila ni "FPJ's Batang Quiapo" star Coco Martin.

Inuntag ng interviewer mula sa "Push Bet Live" si Julia kung kumusta na ang relasyon nito kay Coco, since "na-publicize" na raw nila ito.

“Kailan?" pabirong tanong ni Julia.

“Di ba? A lot of people, you know, are celebrating your relationship with you. So, kumusta ba siya bilang partner?” muling giit ng interviewer.

'12 years na kami!' Coco at Julia, umamin na rin sa relasyon

“Nag-announce ba kami? Wala naman,” anang Julia.

“Happy lang ako sa life. Siguro masasabi ko lahat ng nangyayari po sa buhay ko, never kong ine-expect and never kong ini-imagine na gano’n yung mangyayari when it comes to… in general. Lahat. Sa work, sa life... paano ba, sa lahat ng mga dini-dreams ko, more than pa sa nangyayari. So, wala. Super thankful and very happy. ’Yon talaga, happiness,” aniya.

Matatandaang sa isang event para sa "Unbreak my Heart" kung saan dumalo ang dalawa ay tila "nadulas" si Coco Martin nang sabihin niyang 12 taon na silang "magkasama" ni Julia.

"Napakasarap ng pakiramdam namin dahil 12 years na kaming magkasama, pero pareho pa rin tulad ng dati," ani Coco sa panayam ng "TV Patrol" noong Mayo 23.

https://balita.net.ph/2023/05/24/matapos-ang-pag-amin-coco-julia-hinihiritan-ng-anak-reveal/

"Na-interpret" naman ito bilang 12 taon na silang magkarelasyon at agad na iniulat ng mga pahayagan, kaya nakuyog ng bashers si Coco dahil "groomer" daw siya.

Bigla kasing napakuwenta ang mga netizen at napagtanto nilang bagets pa si Julia nang ligawan nang noo'y adult na raw na si Coco, matapos nilang magkasama sa isang serye sa ABS-CBN.

Kalaunan, lumabas ang isang paglilinaw na ang tinutukoy raw ni Coco ay taon ng pagsasama nila sa industriya bilang magkatrabaho o working relationship, ayon kay ABS-CBN showbiz news reporter MJ Felipe.

"Nakalilito nga naman dahil una, 12 taon na rin ang nakalilipas nang magsama sina Coco at Julia sa TV series na 'Walang Hanggan'. At pangalawa, 12 taon na rin nang unang umingay na may namamagitan sa kanila,” ani Felipe.