Inspirasyon ang hatid ng isang atletang elementary pupil mula sa Cadiz City matapos niyang mag-uwi ng tatlong gintong medalya para sa sports na swimming, sa naganap na Palarong Pambansa 2023 sa Marikina Sports Complex, Marikina City.

Si Zach Lucas Obsioma na isang para-athlete mula sa Brgy. Zone 3, Cadiz City, Negros Occidental, ay nakapag-uwi ng tatlong gintong medalya sa kabila ng pagkakaroon ng kondisyong "phocomelia syndrome."

Kung mapapansin, maiksi ang mga binti ng bata subalit nagawa pa rin nitong "malangoy" ang kaniyang mga pangarap.

Kaya naman, sa kaniyang mahabang Facebook post ay pinasalamatan ng ina ng bata na si "Mavet Arcillas" ang mga taong nakatulong sa kaniyang anak sa nabanggit na Palarong Pambansa.

Human-Interest

KMJS episode tungkol sa 'VA' story, umani ng samu't saring reaksiyon sa netizens

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mavet, noong Marso 2023 lamang nag-aral lumangoy ang anak.

"Nitong March 2023 lang po siyang nag-aral mag-swim under his trainor Sir Max Fermales Masculino. Dati po takot po siyang lumangoy, ninerbyos siya until such time pina-try siya ng uncle niya mag-floaters, kapatid ko po Lech Emilio Arcillas. From that day nagustuhan na niya yung tubig."

"From hindi talaga marunong lumangoy hanggang maging gold medalist po siya sa Palarong Pambansa 2023," aniya pa.

Kaya nag-iwan naman ng mensahe si Mavet sa kaniyang anak na atleta.

"That He will stay grounded & humble to the blessing that keeps pouring. He is a blessing to us and we will support him whatever it takes."

"We are also grateful for the people who helped us financially and in kind to turn his dreams into reality and lastly we thank the Lord for his life and the talent given to him."

Congrats, Zach Lucas! Patuloy kang lumangoy sa pag-abot ng iyong mga pangarap!

---

Nais mo bang mai-feature ang iyong storya o ‘di kaya mayroon kang larawan at video na gusto mong i-share? I-message mo lang kami sa aming Facebook at Twitter!