Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang layunin ng administrasyon na suportahan ang mga atletang Pinoy upang masuklian ang kanilang sakripisyo at tagumpay sa mga international sports competition.

Sa seremonya ng paggawad ng insentibo para sa mga humablot ng medalya sa katatapos na 32nd Southeast Asian Games at 12th ASEAN Para Games, binigyang-pugay ng Pangulo ang mga atleta para sa pagpapamalas ng diwa, karakter at puso ng Pilipino.

Kinilala rin niya ang mga magulang, coach, at trainer para sa kanilang kontribusyon at ibinahagi ang kanyang mithiing palakasin pa ang tulong ng pamahalaan para sa mga bumubuo ng sektor.

“Lagi nating sinasabing ipinagmamalaki namin kayo. Totoo naman. Pinagmamalaki namin kayo. Dapat naman susuklian naman namin ang inyong ginawang sakripisyo, ang inyong dinalang dangal para sa ating mahal na Pilipinas. Kaya asahan ninyong sa administrasyon na ito, gagawin natin ang lahat para masuportahan natin at ipalabas natin ang kagalingan, ang husay ng ating atleta," dagdag pa ni Marcos.