Patay sa pananaksak ang isang lalaking nagtatrabaho sa isang elementary school sa Tondo, Maynila noong Lunes ng umaga, Agosto 7.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD) Raxabago Police Station (PS-1) nakilala ang biktimang si Ricky Dasco, 60, isang utility worker sa Magat Salamat Elementary School.
Ayon sa pulisya natagpuang patay at duguan ang biktima sa hallway na naturang paaralan dakong 5:30 ng umaga. Base sa imbestigasyon, pumasok ang suspek sa paaralan dakong 4 ng umaga at pinagsasaksak ang biktima gamit ang screwdriver.
Sinabi ng mga imbestigador ng MPD-Homicide section na nagtamo ng pitong saksak ang biktima sa leeg, batok, mga braso, at likod.
Nagsagawa naman ng backtracking ang pulisya at nakilala ang suspek sa pamamagitan ng closed-circuit television (CCTV) footage na nakolekta sa iba’t ibang barangay.
Hindi pumalag ang suspek nang matunton ito ng mga awtoridad sa korner ng Quezon at Dandan Street.
Aminado ito sa nagawang krimen dahil sa umano’y dating alitan nila ng biktima.
Nadiskubre rin ng mga imbestigador na ang suspek ay kilalang magnanakaw, at gumagamit ng iligal na droga sa Tondo.
Samantala, nasa kustodiya na ng MPD ang suspek at mahaharap sa kasong murder, ayon sa pulisya.