Nanawagan ang Akbayan Party sa pamahalaan ng Pilipinas na aksyunan ang naging pag-atake ng Chinese Coast Guard (CCG) sa supply boat ng Philippine Coast Guard (PCG) malapit sa Ayungin Shoal gamit ang “water cannon” noong Sabado, Agosto 5.
MAKI-BALITA: PCG vessel, binomba ng tubig: China Coast Guard, kinondena ulit ng Pilipinas
Sa isang pahayag nitong Linggo, Agosto 6, kinondena ni Akbayan Party President Rafaela David ang ginawa ng CCG, at sinabing isa lamang ito sa mga naging pag-atake umano ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS).
“Clearly, China is once again in violation of the 2016 Arbitral award, as well as several international laws," ani David.
"Harassment sa isang banda, imbitasyon naman para sa joint military exercises sa kabila. Para bang nakikipagkamay tayo sa China, pero ginagamit naman nila ang isa pa nilang kamay para sampalin tayo. The Philippine government needs to wake up and take action," dagdag niya.
Binanggit din ng Pangulo ng Akbayan Party ang resolusyong isinulat ni Senador Risa Hontiveros kasama si Senate President Juan Miguel Zubiri na inaprubahan ng senado, kung saan nakalagay umano rito na dapat magsagawa ang pamahalaan ng Pilipinas ng kinakailangang aksyon para masiguro ang “sovereign rights” ng bansa sa exclusive economic zone nito.
"Ano pa bang pambu-bully ang kailangang gawin ng China bago maisip ng pamahalaan na gumawa ng kongkretong aksyon para ipagtanggol ang ating teritoryo? 'Friend to all' pa rin ba ang polisiya kahit malinaw na hina-harass na tayo? Gawain ba ng kaibigan ang ginagawa ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea?" ani David.
"The government must file a resolution to strengthen The Hague ruling in favor of the Philippines in the United Nations General Assembly and reject China's invitation for joint military exercises. Ipakita natin sa buong mundo na hindi duwag at hindi nagpapalinlang ang mga Pilipino," saad pa niya.