Isang 6-anyos na bata mula sa Irosin, Sorsogon ang itinuring na pinakabatang nakaakyat sa tuktok ng Mt. Bulusan.

Narating ng 6-anyos na batang si Hiraya Mercado ang Mt. Bulusan sa Sorsogon kasama umano ang mga magulang niyang mountaineers, at tatlong nakatatandang mga kapatid.

Sa panayam ng Balita, ibinahagi ng ina ni Hiraya na si Kareen Mercado, 46, na pinapayagan nilang sumama ang kanilang bunsong anak sa pag-akyat ng bundok o bulkan upang ma-expose siya sa outdoor activities at maging adventurer din paglaki.

Masaya naman daw sila dahil kapansin-pansin kay Hiraya ang excitement tuwing isasama siya sa mountain climbing.

Human-Interest

Guro, nakatanggap ng manok, mga rekadong pantinola mula sa pupil

Kuwento ni Kareen, limang taong gulang pa lamang si Hiraya ay naakyat na niya ang Mt. Maraot Banwa at Mt. Cabanbanan. Pagkatapos nito ay nakasama rin daw siya sa pag-akyat sa Mt. Jormajan ngayong taon.

“Medyo mababa lang po ‘yan na bundok but bihira din ang nakakaakyat dyan lalo na ang bata,” saad ni Kareen.

Samantala, Hulyo 8 hanggang Hulyo 9 daw nang mapagpasiyahan ng kanilang pamilya na umakyat ng Mt. Bulusan kasama ang iba nilang kaibigan.

Nang tanungin daw ng mag-asawa si Hiraya kung nais niyang sumama, agad naman daw siyang pumayag.

“Masaya [ako] kasi bibihira ang bata na may hilig sa ganitong mga activity. And ito ung bonding namin na buong family,” ani Kareen.

Hindi naman daw naging madali ang kanilang pag-akyat sa Mt. Bulusan dahil na rin sa panahon at sa madulas na daan. Kinakarga rin umano nila si Hiraya tuwing nasa matarik silang bahagi ng nasabing bulkan na may taas na 1,565 meters above sea level.

Sa kabila nito, naging matagumpay ang pamilya sa kanilang adventure at si Hiraya na nga ang naging pinakabatang nakaakyat sa Mt. Bulusan.