Kaugnay ng kaniyang pagsita kay "E.A.T." host Tito Sotto III, may hamon ang social media personality na si Rendon Labador kay Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chair Lala Sotto.

Si MTRCB Chair Lala Sotto ay anak nina Titosen at beteranang aktres na si Helen Gamboa.

Sa isang episode ng noontime show, hinalikan nang matagal ng dating senate president ang kaniyang misis on national television, bagay na hindi naman pinalagpas ni Labador, gaya ng pagsita niya kina Vice Ganda at Ion Perez sa "It's Showtime."

Anang Labador, "TATAY MO O KAPAKANAN NG PILIPINAS??? MTRCB Chair Lala Sotto!!! Kaya mo din bang ipatawag ang tatay mo para i-tama ang mali? TVJ akala ko ba wholesome kayo? Ano ba nangyayari sa mga noontime shows natin ngayon at puro na kabastusan??? Noong 2016 pinatawag ka ng MTRCB, Hindi ka pa rin natuto."

Matapos sina Vice at Ion: Rendon sinita lambingan nina Tito-Helen sa TV

Hati naman ang saloobin ng mga netizen tungkol dito.

May mga sumang-ayon kay Labador dahil wala raw itong ikinaiba sa lambingan nina Vice Ganda at Ion sa Showtime.

Sa kabilang banda, may mga nagsabi namang legal na mag-asawa sina Tito at Helen at walang masama sa ginawa nila.

"Mag-asawa po sila at di kabastusan ang ginawa nila."

"Tama ka idol okay lang sana kong simpleng halik lang 'yon kaso mukhang hindi eh."

"Ano naman eh mag-asawa naman 'yan at matanda na sila sweet ngang tignan eh..."

"MAGHIHINTAY NA LANG AKO SA REACTION NG CHAIRMAN NG #MTRCB SA MAGULANG NYA."

"Wala akong nakikitang mali..."

"May punto si idol motivational rice!"

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag ang kampo ni Tito o MTRCB tungkol sa isyung ito.