Kahit na ipinatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang producers ng noontime show na "It's Showtime," isang masigla at nakangiting Unkabogable Star Vice Ganda pa rin ang bumungad sa paghohost nito nitong Martes, Agosto 1.

Sa "Rampanalo" segment pa lamang kasama ang guest na si Kapuso star Bianca Umali ay mapapansing idinadaan na lamang ni Vice Ganda sa biro ang lahat, kahit na may pending issues pa sila sa MTRCB.

Ang una rito ay ang "wardrobe malfunction" ni Regine Tolentino at ang "indecent acts" umano nina Vice Ganda at partner-co-host na si Ion Perez.

MTRCB, ipinatawag ang It’s Showtime producers hinggil sa umano’y ilang eksena nina Vice, Ion

Sa mismong "Isip Bata" segment ay pabirong sinabi ni Vice na parang gusto na niyang kalimutan ang segment, matapos siyang biruin ni Vhong Navarro kung bakit nakalimutan niya ang steps ng opening dance nila rito.

Nang papasukin na ang mga kalahok na nahakot mula sa isang lugar sa Quiapo, isang ginang ang na-interview ng hosts kung bakit ito masaya.

Hirit pa ni Vice, mukhang ang tipo nito ang mga kumakanta ng "Ako'y Tahimik Lang Sa Umpisa..." mula sa kanta ni Toni Fowler.

"Masaya po ako sa buhay kasi kuntento po ako," saad nito.

Natanong naman ni Vhong kung may asawa na siya.

"Yes meron po! Kagabi lang, nag-chorva kami..."

Kitang-kita naman ang pagbabago sa reaksiyon ng mukha ni Vice Ganda.

Pero bumawi naman ang kalahok.

"Kumain sa labas..." aniya.

"Yessssss!!!! Ate konting kalma ha, may issue pa kami," maagap na hirit at saway ng komedyante.

"Ay! Sorry na po," hingi ng paumanhin ng kalahok.

Humanap na lamang ang hosts ng bagong kakapanayamin.

"Sa iba muna tayo kumausap, dito muna sa mas mukhang tahimik," baling ng Unkabogable Star sa isang ale.

Inanunsyo ng MTRCB nitong Lunes, Hulyo 31 ang pagpapatawag nila sa producers ng show upang magpaliwanag hinggil sa inirereklamong eksena nina Vice Ganda at Ion Perez sa Isip Bata segment, na sinita naman ng social media personality na si Rendon Labador.