Mas lumakas pa ang bagyong Falcon habang kumikilos ito pahilaga hilagang-kanluran sa Philippine Sea, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes ng hapon, Hulyo 31.

Sa tala ng PAGASA kaninang 5:00 ng hapon, huling namataan ang Typhoon Falcon 1,020 kilometro ang layo sa silangan hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, na may taglay na lakas ng hanging aabot sa 165 kilometers per hour at pagbugsong aabot sa 205 kilometers per hour.

Kumikilos ito pahilaga hilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometers per hour.

Inaasahan umano itong lalabas na ng PAR sa Martes ng tanghali o gabi, Agosto 1.

National

Comelec law dept. director Casingal, itinalaga bilang bagong commissioner

Ayon sa PAGASA, malayo sa kalupaan ang bagyong Falcon, kaya’t wala umano itong direktang epekto sa alinmang bahagi ng bansa.

Gayunpaman, patuloy umanong pinalalakas ng bagyo ang southwest monsoon o habagat, na siyang magdudulot ng occasional hanggang monsoon rains sa kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas sa susunod na tatlong araw.

Makararanas naman umano ng pabugso-bugsong malalakas na hangin ngayong araw sa Zambales, Bataan, central at southern portions ng Aurora, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, malaking bahagi ng Ilocos Region, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, at Western Visayas.