Sinuspinde ni Marikina City Mayor Marcelino ‘Marcy’ Teodoro ang pasok sa mga mga paaralan, gayundin sa mga tanggapan ng gobyerno sa lungsod ngayong Lunes, Hulyo 31, upang bigyang-daan ang opening parade at ceremonies para sa idinaraos na ika-63rd Palarong Pambansa sa lungsod.

Nabatid na sakop ng kautusan ang lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod, gayundin ang lahat ng local government offices.

Sinabi ni Teodoro nitong Sabado na nagpasya silang suspindihin ang klase at pasok sa mga government offices upang bigyan ng pagkakataon ang mga residente na saksihan ang naturang annual sports event.

Inimbitahan din naman ng alkalde ang lahat na saksihan at makibahagi sa 63rd Palarong Pambansa, kung saan ang Marikina ang nagsisilbing host city.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“We invite everyone to witness and be part of the 63rd Palarong Pambansa, where the City of Marikina is the host city,” ayon pa kay Teodoro.

Ang 63rd Palarong Pambansa ay sisimulan ngayong Lunes, Hulyo 31, at magtatagal hanggang sa Agosto 5.

Isasagawa ito sa Marikina Sports Center at lalahukan ng mga student athletes mula sa 17 rehiyon sa bansa.