Naupong special guest hurado sa pagbubukas ng ikapitong season ng "Tawag ng Tanghalan" sa "It's Showtime" ang tinaguriang Asia's Limitless Star ng Kapuso Network na si Julie Anne San Jose, sa Saturday episode pasabog ng noontime show, Hulyo 29, 2023.

Bago ang opisyal na pagpapakilala kay Julie Anne bilang bagong special guest hurado sa line-up, nagkaroon muna ng pa-teaser ang Showtime tungkol dito, na makikita sa kanilang opisyal na Facebook page.

"Madlang People! Limitless ang pangmalakasang kantahan sa tanghalian!" saad sa caption ng post noong Hulyo 27, 2023.

Ito na ang pangalawang pagkakataong napanood si Julie Anne sa programa ng ABS-CBN, na umeere at napapanood din sa GTV, ang sister channel ng GMA Network.

Julie Anne, magge-guest sa 'It's Showtime;' makaharap kaya si Jolina?

Sa puntong ito ay kahanay sa line-up ng mga hurado ang tinaguriang "Pop Icon" at Magandang Buhay momshie host na si Jolina Magdangal.

Nakasama rin ni Japs sina Ogie Alcasid, Kean Cipriano, at Marco Sison.

Ipinakita ng dalawa na walang masamang tinapay sa kanilang dalawa, kahit na nagkabardagulan kamakailan ang mga tagahanga nila tungkol sa nabanggit na titulo.

https://twitter.com/AltStarMagic/status/1685171618170220546

Sa kaniyang Instagram post pa nga ay nagpasalamat si Jolina sa It's Showtime dahil sa pagkakataong mapagsama silang dalawa.

"Finally… it's really nice to see you, chika with you and laugh with you."

"Labyu Japs!"

"Thank you @tawagngtanghalan and @itsshowtimena for this opportunity," anang Jolina.

"Love you ate Jolens @mariajolina_ig" tugon naman dito ng singer-actress.

Sa unang tapak ni Julie Anne sa Showtime ay hindi nagkrus ang mga landas nila ni Jolens dahil hindi naka-assign bilang hurado si Jolina sa episode na iyon. Kaya naman, laking-hinayang ng mga nakaabang na netizens sa hindi pagkikita ng dalawa sa oportunidad na iyon.

Kaya sa muling pagkikita ng dalawang "pop icons" ng kani-kanilang henerasyon, bumaha ng positibong komento mula sa netizens.

"Pop lcons in different Generations."

"Utang na loob! Nung 90s walang hindi nakakakilala kay Jolina kahit mga tao sa bundok kilala sya. Ganun sya kasikat!"

"Pop icons in one frame!"

"Huwag na pag-awayin okay naman sila!"

Noong nasa GMA Network pa si Jolens ay nakatrabaho niya si Julie Anne sa musical variety shows na "SOP," "Party Pilipinas," at "Sunday All-Stars."

Pangatlo na si Julie Anne na Kapuso singers na nag-special guest hurado sa TNT.

Ang dalawa ay sina Christian Bautista at Mark Bautista noong Hulyo 1, sa grand launching ng Showtime sa GTV, at grand finals naman ng TNT Duets.

https://balita.net.ph/2023/07/17/julie-anne-san-jose-na-starstruck-sa-its-showtime-hosts/