Niyanig ng magnitude 4.4 na lindol ang probinsya ng Surigao del Norte nitong Sabado ng madaling araw, Hulyo 29, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa tala ng Phivolcs, nangyari ang lindol na tectonic ang pinagmulan bandang 12:49 ng madaling araw.
Namataan ang epicenter nito 2 kilometro ang layo sa hilagang-kanluran ng Alegria, Surigao del Norte, na may lalim na 14 kilometro.
Naitala ang Instrumental Intensity II sa City of Surigao, Surigao del Norte.
Wala namang inaasahan ang Phivolcs na posibleng aftershocks ng lindol.
Hindi rin umano inaasahang magdudulot ng pinsala ang nasabing pagyanig.