Napatanong ang social media personality na si Rendon Labador kung nag-eexist pa ba ang "Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos sitahin ang naging lambingan ng celebrity couple na sina Vice Ganda at Ion Perez, sa "Isip Bata" segment ng "It's Showtime" noong Hulyo 25, 2023.

"May MTRCB pa ba? Nag-eexist pa ba sila? Galaw galaw mga boss!!!" ani Rendon sa comment section mismo ng kaniyang Facebook post kung saan na-call out niya ang dalawa.

Hindi rin pinalagpas ni Rendon ang ABS-CBN.

"Parang tanga din tong ABS-CBN na 'to! ang tagal tagal ninyo na sạ industry hindi ninyo pa alam pinaggagawa ninyo! Ayusin nyo 'yan!!!"

Rendon Labador sinita sina Vice Ganda, Ion Perez: 'Huwag sa show ng mga bata!'

Bukod sa cable at online platforms, ang It's Showtime ay napapanood sa free TV channels gaya ng A2Z Channel 11 na pagmamay-ari ni Bro. Eddie Villanueva, na founder ng Jesus Is Lord Church.

Bukod dito, napapanood din ang Showtime sa GTV, sister channel ng GMA Network, na kalilipat lamang noong Hulyo 1, 2023 mula sa TV5, matapos ma-expire ang kontrata ng kanilang blocktime agreement, at pagpasok na rin ng noontime show ng TVJ.

Hindi nagustuhan ni Rendon ang ginawang pagkain ng icing ng cake sa daliri nina Ion at Vice, sa harapan pa raw ng mga kasama nilang bata sa segment gaya nina Argus at Kulot.

Photo courtesy: Rendon Labador's FB

Batay naman sa mayorya ng mga reaksiyon at komento mula sa netizens, this time daw ay tila sumasang-ayon sila sa paninita ni Rendon.

Dati, ipinagtanggol ni Rendon si Vice Ganda, nang hablutin ang buhok nito ng isang manonood habang nagko-concert sa Canada.

https://balita.net.ph/2023/04/23/rendon-labador-pinuri-ng-netizens-sa-pagtatanggol-kay-vice-sumakto-ka-sa-lasa-ngayon-idol/

Sa kaniyang tweet naman ay tila nagpatutsada si Vice hinggil sa ilang mga taong nais sumikat kaya nagpapaka-toxic daw upang maging relevant.

https://balita.net.ph/2023/07/26/makaamot-lang-ng-relevance-vice-ganda-nagparinig-sa-ilang-taong-gustong-sumikat/

Samantala, wala pang direktang tugon sina Vice Ganda, Ion, Showtime management, ABS-CBN, at maging ang MTRCB tungkol dito.