Pinalagan ng dating make-up artist ni Heart Evangelista na si Justin Louise Soriano ang mga alegasyon at paratang kung bakit na-kick na siya at iba pa sa glam team ng Kapuso star-fashion socialite.
Isa-isang sinagot ni Justin sa comment section ng isang social media platform ang mga bintang ng netizens, na kaya raw sila sinipa sa glam team ni Heart ay dahil may nagalaw silang anda nito.
Nagkautang daw sa credit card si Heart dahil sa walang habas daw na paggasta nila, hanggang sa ma-max out ito.
Bagay na pinabulaanan naman ni Justin. Hindi raw ito ang tunay na kuwento subalit mananatiling tikom ang kaniyang bibig sa mga tunay na pangyayari.
Paliwanag pa niya, may sarili siyang pera at credit card kaya hindi niya gagamitin ang credit card ng iba.
Kung may nasabi man daw ang aktres sa TikTok na may 24 months na utang siyang babayaran, ito ay sarili niyang gastos dahil sa pagbili ng mga damit.
Kahit na hindi na raw sila nagtatrabaho kay Heart, hangad pa rin daw nila ang happiness nito.
Matatandaang sa vlog ni Ogie Diaz, nabanggit niya ang tungkol sa pag-alis ng ilang miyembro ng glam team ni Heart dahil daw sa naririnig niyang "attitude issue."
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Heart hinggil sa isyung ito.