Malalang “blind item” ang muling pinag-usapan nina Cristy Fermin, Romel Chika at Wendell Alvarez tungkol sa isang female personality na hindi pa raw sikat pero nagyayabang na.

Sa latest YouTube video na “Showbiz Now Na” nitong Martes, Hulyo 25, bukod sa mga usaping showbiz, huling napag-usapan ng mga naturang hosts ay ang tungkol sa nabanggit na female personality.

Sinimulan ni Wendell ang chikahan sa pagsabing isang kontrobersyal na female personality ang tampok sa kanilang naturang blind item.

Bukod sa napag-usapan ang kaniyang pangalan kamakailan, mayroon na raw talagang ugaling hindi kaaya-aya ang female personality.

National

PBBM sa National Teacher's Day: 'I wish you a joyful and productive celebration'

Pasabog pang chika ni Wendell, palibhasa siya ang bida sa kaniyang kasalukuyang teleserye, lagi raw late kung dumating ito sa taping.

Maging sa pagkaing ibinibigay umano sa taping nila ay nag-iinarte raw ang female personality at magpapabili pa ng kaniyang gustong kainin.

Tinawag ding “feeling reyna” ni Wendell ang kanilang tinutukoy sa blind item dahil sa inaasta nitong pag-uugali sa kanilang taping.

Ayon naman kay Cristy, sa tingin niya ay hindi na raw makauulit ang female personality kasi tatandaan na siya ng naturang produksiyon.

Haka-haka pa ni Wendell, kahit ang female personality ang bida sa teleserye, baka siya pa raw ang unang “patayin” o tsugiin ang karakter para matapos na agad ang nasabing palabas.

Dagdag pang chika ni Cristy, dahil lang daw sa tulong ng isang male TV host kaya’t nabago ang kaniyang buhay.

Nakisali na rin sa usapan si Romel at sinabing baka iyon na raw ang una’t huling proyekto ng female personality.

Nagbigay naman ng mensahe si Wendell sa bida ng kanilang blind item.

“Alam mo, wala ka pa sa estado na ‘yon bakit nagmamalaki ka na. Dapat ang gawin mo, medyo alalay ka muna sa ugali mo. ‘Wag munang magmamalaki. Ipakita mo doon sa kasamahan mo na kung ano ka dati, ganoon ka pa rin hanggang ngayon,” aniya.

Sa kabilang banda, ginamit naman nila ang tawag sa mga uri ng isda upang kumpletuhin ang una hanggang huling letra ng pangalan ng kanilang nasa blind item.