Patuloy umanong tumataas ang bilang ng mga batang nagtatrabaho sa Pilipinas. Sa inilabas na datos ng Philippine Statistic Authority (PSA) nitong Martes, umabot 1.48 milyong batang may edad 5 hanggang 17 ang nagtatrabaho noong 2022. 

Ayon sa datos, sa 31.71 milyong batang may edad 5 hanggang 17 sa bansa, 4.7 porsiyento ang nagtatrabaho, kumpara sa 4.3 porsiyento noong 2021, o katumbas ng 1.37 milyong nagtatrabahong mga bata. 

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file na kandidato sa pagkasenador at party-list

Kabilang sa mga ito, 49.5 porsiyento ang nagtrabaho sa service sector, habang 43.2 porsiyento sa agriculture sector, at 7.3 porsiyento sa industry sector. 

Child labor kung ituring ang mga batang nagtatrabaho. Ang child labor ay anumang trabaho or economic activity na ginagawa ng bata na maaaring makapinsala sa kanilang kalusugan at kaligtasan. Maaari rin umanong maapektuhan ang kanilang “physical, mental, o psychological development.”

Base rin sa datos ng PSA, nasa 66.2 porsiyento ang lalaking nagtatrabaho at 33.8 porsiyento naman ang nagtatrabahong babae. 

Ang Region XII (SOCCSKSARGEN) ang may pinakamataas na bilang ng batang nagtatrabaho (edad 5 hanggang 17) kung saan umabot sa 12.3 porsiyento. Sinundan ito ng Rehiyon X (Northern Mindanao) na 8.6 porsiyento, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa 7.3 porsyento noong 2022.

Xinhua