Nakapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng 1,671 bagong kaso ng Covid-19 sa bansa mula Hulyo 17 hanggang 23, 2023.

Batay sa inilabas na National Covid-19 Case Bulletin ng DOH nitong Martes, nabatid na ang average na bilang ng bagong kaso ng sakit kada araw sa nasabing linggo ay nasa 239.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Ito ay mas mababa ng 14% kumpara sa mga kasong naitala noong Hulyo 10 hanggang 16.

Anang DOH, sa mga bagong kaso, 35 ang may malubha at kritikal na karamdaman habang 32 naman ang pumanaw, kabilang ang tatlong naganap noong Hulyo 10 hanggang 23.

Iniulat din ng ahensiya na hanggang noong Hulyo 23, 2023, mayroong 315 na malubha at kritikal na pasyente na naka-admit sa mga ospital dahil sa Covid-19.

Sa 1,889 ICU beds para sa mga pasyenteng may Covid-19, 211 o 11.2% ang okupado habang 2,793 o 16.6% ng 16,825 non-ICU Covid-19 beds ang kasalukuyan ding ginagamit.

Kaugnay nito, mahigpit pa rin ang paalala ng DOH sa lahat na huwag maging kampante sa banta ng Covid-19.

“Bagkus, dapat natin ipagpatuloy ang tamang pagsunod sa minimum public health standards sa ilalim ng Alert Level 1,” anito.

Kahit naman tuluyan nang inalis ng DOH ang mga Covid-19 health protocols bunsod nang pagtatanggal na ng Covid-19 public health emergency sa bansa, ay patuloy pa rin ang paalala ng DOH, na laging magsuot ng best-fitted face mask at manatili sa well-ventilated na mga lugar.

Sa sandali naman anilang makaramdam ng sintomas ng virus ay dapat na ring kaagad na mag-isolate.

Anito pa, “Para sa karagdagang proteksyon laban sa banta ng Covid-19, agad-agaran na tayong magpabakuna at booster.”