Pinaalala ng Department of Information and Communication Technology (DICT) na mawawalan na ng connectivity ang Subscriber Identity Module (SIM) cards na hindi pa rehistrado pagsapit ng Miyerkules, Hulyo 26, alinsunod sa SIM Registration Act.

“Please, magpa-rehistro na kayo dahil by 12:01 of July 26 wala na pong connectivity ang mga hindi nagpa-register ng SIM card,” paalala ni DICT Chief Ivan John Uy kamakailan.

Matatandaang pinalawig ng pamahalaan nang 90 pang araw ang deadline ng SIM registration sa bansa noong Abril 25, 2023, isang araw bago ang orihinal na deadline.

MAKI-BALITA: SIM Registration, pinalawig nang 90 pang araw – Remulla

National

'Pinas, posibleng magkaroon ng 1 hanggang 2 bagyo sa Nobyembre

Dahil dito, nakatakdang mapaso ang pinalawig na deadline ng SIM registration ngayong Hulyo 25, bagay na hindi na umano muling palalawigin.

Sa kabila naman ng pag-deactivate ng mga hindi rehistradong SIM pagkatapos ng deadline, sinabi ng DICT, sa ulat ng GMA News, na papayagan ang limang araw na palugit para sa muling pagsasaaktibo ng mga nadiskonektang SIM.

Mula Hulyo 23, 2023, nasa 105,260,340 SIM cards na umano ang nairehistro, kung saan 62.5% ito ng kabuuang 168,016,400 subscriber base sa bansa.