Matapos ang GMA Gala 2023, tila bet ng Kapuso at Kapamilya fans na pagtambalin sa isang proyekto sina Joshua Garcia at Barbie Forteza, dahil mukhang may chemistry daw ang dalawa.

Nangyari ito matapos matanong si Joshua kung sino sa palagay niya ang "best dressed" sa Kapuso stars na rumampa sa red carpet at dumalo sa nabanggit na showbiz event.

Si Barbie Forteza ang sinagot ni Joshua dahil napaka-elegante raw tingnan nito. Hindi raw ganoon ka-flashy ang suot niyang gown.

Nakarating naman kay Barbie ang sinabi ni Joshua at tumugon dito.

Barbie Forteza, may sagot sa ‘pagpili’ sa kaniya ni Joshua Garcia

"Tama ka naman diyan. Hahaha! Salamat! 😉🩵," aniya.

Kaya naman ang haba-haba raw ng hair talaga ni Barbie dahil may hot boyfriend na ngang si Jak Roberto, may cutie love team na nga na si David Licauco, heto't mukhang pipila na rin siya sa heartthrob na si Joshua.

Kaya sigaw ng mga netizen, mukhang may K naman magsama sa isang proyekto ang dalawa, kaya nanawagan sila sa GMA at ABS-CBN na baka raw puwedeng pagsamahin sa isang pelikula ang dalawa, tutal naman daw ay wala nang network war at uso na ang collaboration ngayon.

Well, tingnan na lamang kung ano ang magiging tugon dito ng dalawang network!