Kumpiyansa si Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. na ilalatag at tutugunan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga pangunahing suliranin ng bansa sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) sa darating na Lunes, Hulyo 24.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, Hulyo 21, sinabi ni Revilla na tiwala siyang tatalakayin ni Marcos sa SONA ang direksyong tatahakin ng bansa, maging ang pagtutok umano sa mga isyung nangangailangan ng agarang atensyon.

“Kabilang na [rito] ang presyo ng mga bilihin, pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, pagpaparami pa ng disenteng trabaho, paglutas sa problema ng kahirapan, at pagpapaigi ng edukasyon. Siguradong kalakip nito ang mga magiging konkretong hakbang ng ating pangulo para matugunan ang mga ito,” ani Revilla.

“Puno ako ng kumpyansa na ilalatag ni PBBM kung paano tuluyang mapapababa ang presyo ng mga bilihin. Kung tutuusin, limang buwan nang tuloy-tuloy na bumabagal ang inflation at ang 5.4% June 2023 inflation rate ang pinakamababa sa loob ng 13 na buwan. Kaakibat nito ang pagtugon sa kahirapan at gutom na nararanasan ng ating mga kababayan. Kaya aabangan rin natin ang kanyang magiging polisiya ukol dito,” dagdag niya.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Inihayag din ng senador na maganda ang performance ni Marcos sa una nitong taon sa panunungkulan bilang presidente, dahil napabuti umano ang ekonomiya ng bansa. Binanggit niya ang naiulat ng Asian Development Bank (ADB) noong Hulyo 2023, kung saan napanatili sa 6.0% ang GDP growth ng bansa ngayong taon, mas mataas ng 1.2 sa growth projection ng nasabing bangko para sa papaunlad na ekonomiya sa Asya at Pacific na 4.8%.

Iniuugnay ng ADB ang pag-unlad ng bansa sa robust investment, private consumption, rising employment, expanding production, retail sales, at brisk private and public construction.

Samantala, inaasahan din umano ni Revilla na tatalakayin ni Marcos sa SONA ang pagpaparami ng mga disenteng trabaho, maging ang pagtaas ng sahod kung saan binanggit ng senador ang panukalang inihain ng senado na ₱150 taas-sahod para sa mga manggagaawa.

MAKI-BALITA: Zubiri, isinulong ang ₱150 taas-sahod para sa private sector workers

“Katuwang ang ating Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte, sigurado rin tayo na babanggitin ng Pangulong Bongbong Marcos ang magiging roadmap kung paano mas mapapaganda ang lagay ng ating buong education sector,” saad din ni Revilla.

“Sana ay mabanggit rin ng ating presidente kung paano matutulungan i-angat ang allowances na natatanggap ng mga titser. Sa Senado ay kasangga nila ako para gawing permanente ang ₱10,000 teaching allowance ng mga guro,” dagdag pa niya.

Binanggit naman ng senador na ang mataas na approval rating ng Pangulo ay indikasyong nasa tamang direksyon ang administrasyon sa unang taon ng panunungkulan nito.

Pinuri rin ni Revilla ang paglagda ni Marcos para ganap na maging batas ang New Agrarian Emancipation Act, maging ang Maharlika Invest Fund Act.

MAKI-BALITA: PBBM, nilagdaan na ang Maharlika Investment Fund Act of 2023