Mahigit 6,400 trabaho ang naghihintay sa mga residente ng Caloocan City na naghahanap ng trabaho sa gaganaping Mega Job Fair sa Miyerkules, Hulyo 26.
Ayon sa lokal na pamahalaan nitong Biyernes, Hulyo 21, magaganap ang Mega Job Fair sa Bulwagang Katipunan sa Caloocan City Hall-South mula 9 a.m. hanggang 4 p.m..
Ang naturang job fair ay pangungunahan ng Public Employment Services Office (PESO) ng lungsod kung saan nasa 73 na local at overseas company ang nanghihintay sa jobseekers.
Pinasalamatan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang PESO para sa pag-organisa ng aktibidad upang makapagbigay ng oportunidad sa mga residente.
“Tuloy-tuloy po ang mga programang katulad ng job fair upang magbigay ng mga oportunidad sa ating mga kababayan na paunlarin ang kanilang kabuhayan. Sinisiguro po natin na madadagdagan pa ang mga ganitong proyekto upang bigyan ng isang disente at maginhawang pamumuhay ang mga Batang Kankaloo,” anang alkalde.
Sa opisyal na Facebook page ni Malapitan, sinabi niya na magdala ng resume, valid ID, at vaccination card ang mga job seeker.
Hinikayat din niyang mag-register ang mga aplikante sa link na ito: https://forms.gle/cutz6vaYx1GbpjvLA
Samantala, magkakaroon din ng “one-stop shop” para sa registration at application sa Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA), at Philhealth.