300K pasahero kada araw, makikinabang: NS Commuter Railway project mula Malolos-Tutuban, 57% nang tapos
Nasa kalahati nang tapos ang konstruksyon ng North-South Commuter Railway (Malolos to Tutuban) na bahagi ng buong North-South Commuter Railway (NSCR) System Project, ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Sa kanilang social media post, ipinaliwanag ng DOTr, oras na maging operational na ang naturang 38-km rail segment ay mas bibilis ng 35 minuto ang biyahe mula Tutuban, Maynila hanggang Malolos, Bulacan, mula sa kasalukuyang isang oras at kalahati.
Inaasahan ding nasa 300,000 pasahero ang makikinabang nito araw-araw.
Layunin din ng proyekto na makapagbigay ng maraming trabaho sa mga Pinoy upang makatulong sa pang-araw araw na pangangailangan.
Ang proyekto ay alinsunod sa “Build Better More” program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.