Nabanggit ng Kapamilya star-vlogger na si Ivana Alawi sa latest vlog na "Japanese Mukhang + New House" na noong panahong nagsisimula pa lamang siya sa GMA Network, nakaranas siyang pagmalditahan at tarayan noon kasama ang kaniyang inang si Fatima Marbella.

Napadako siya sa tsikang iyon nang matanong siya kung sino ang "nicest GMA artist" na nakatrabaho niya.

Biglang pumasok sa isipan niya ang tinaguriang Kapuso Primetime Princess na si Barbie Forteza.

“Si Barbie Forteza, hindi ko siya malilimutan,” ani Ivana.

Ivana Alawi, sinabing si Barbie Forteza pinakamabait na nakatrabahong GMA artist

Dito ay na-ispuk na nga niya ang karanasan sa Kapuso Network noon, noong hindi pa siya gaanong kasikat at hindi pa matunog ang pangalan sa YouTube.

“Kasi, maraming maldita sa akin noong nag-start pa lang ako sa GMA, as in maraming masusungit. Alam mo 'yon..." ani Ivana sa kaniyang madir.

"Siyempre, ganoon talaga," side comment ni Fatima.

"Ayaw kaming bigyan ng pwesto, ayaw din kaming bigyan ng pagkain, tapos sinusungitan kaming mag-ina, basta marami... and then, pinaka naging mabait sa akin na hindi ko malilimutan, hindi ko pa siya nakakausap after, pero si Barbie Forteza,” ani Ivana.

Kaya super blessed daw ngayon ni Barbie dahil sa kabutihan ng kaniyang puso.

Hindi naman tinukoy ni Ivana kung Kapuso celebrity, staff,  bahagi ng production team, o iba pang empleyado ang tinutukoy niyang nagmaldita sa kanilang mag-ina noon.

Si Alawi ay naging bahagi ng StarStruck Season 6 noong 2015, subalit hindi siya umabot sa finals. Naging talent siya ng GMA Artist Center (Sparkle na ngayon) subalit lumundag siya sa ABS-CBN noong 2018.

Taong 2022 nang tuluyan siyang pumirma ng kontrata sa ABS-CBN at mabigyan ng sariling teleserye na may pamagat na "A Family Affair" kasama sina Gerald Anderson, Jake Ejercito, at Sam Milby.

Nitong Miyerkules, Hulyo 19, 2023, pumirma siya ng kontrata bilang Star Magic artist.