Nakapanayam ni TV5 news anchor Julius Babao ang fan na nag-upload ng video at nakaranas ng "pangaral" ni Broadway Diva Lea Salonga, nang pasukin nila ang dressing room nito at hiritan ng picture-taking.

Sa vlog ni Julius na "Unplugged," inusisa niya si Cristopher Retokelly Carpila hinggil sa dahilan kung bakit nito inupload ang video.

Giit ng fan, tila nais niyang sabihing first time niyang mapagsabihan ng isang artista dahil hindi lamang si Lea ang una niyang nakasalamuhang celebrity sa buong buhay.

Kahit na medyo napagsalitaan ay nirerespeto pa rin daw ng fan ang personalidad ni Lea.

Lea Salonga: 'I have boundaries, do not cross them'

Wala raw siyang planong sirain kung anuman ang imahe ni Lea; nadala raw siya ng kaniyang naramdaman dahil sa nangyari.

"Iba po kasi talaga yung naramdaman ko eh," ani Cristopher.

Ang pag-upload sa video ang naging daan daw upang mailabas niya kung anuman ang negatibong damdaming nangingibabaw sa kaniya nang mga sandaling iyon.

"Hindi po ako nagfi-feeling entitled ha," paglilinaw ng fan.

Nang tanungin pa ni Julius kung ano ba talaga ang naramdaman nito, pakiramdam daw ni Cristopher ay parang ipis siyang tinapakan at kutong tiniris.

"Nanliit ka, gano'n?" sundot ni Julius.

"Hayun po 'yon eh. Para akong... ipis na inapakan or kutong tiniris din eh, parang... iyon po kasi talaga ang naramdaman ko, Sir Julius, actually lahat po kami natulala po kaming lahat!," paliwanag ng napagsabihang fan.

Wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Lea tungkol sa mga sinabi ng nabanggit na tagahanga.