Kinubra na ng lucky winner mula sa Nueva Ecija ang kaniyang napanalunang ₱366 milyon sa Ultra Lotto 6/58 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa pahayag ng PCSO nitong Martes, Hulyo 18, kinubra ng lucky winner ang premyong ₱366,687,465.20 noong Hulyo 6. Matagumpay niyang nahulaan ang winning numbers na 43-58-37-47-27-17.

Hindi raw makapaniwala ang 40-anyos na lalaki na nanalo siya sa nasabing lotto game. Ibinahagi niya na nabili niya ang kaniyang ticket sa isa sa mga lotto outlets sa Cabiao, Nueva Ecija.

“Hindi ko pa alam sa ngayon kung paano ko iha-handle ang ganito kalaking pera. Pero syempre, unang una, tutulong tayo sa kapwa, magbabahagi tayo dahil alam ko may plano si Lord bakit tayo biniyayaan ng ganito," anang lucky winner sa kaniyang panayam sa PCSO.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

"Huwag po tayong mawalan ng pag-asa. May mga pagkakataon po na nanghihinayang tayo kasi hindi tayo tumama, pero lagi po nating isipin na bawat taya po natin, nakakatulong po tayo sa kapwa," dagdag pa niya.

Samantala, nangako naman ang PCSO na mananatiling confidential ang impormasyon ng lucky winner.

Nagpaalala namang muli ang PCSO na ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay papatawan ng 20% na buwis, alinsunod sa TRAIN Law.